Hashtag Hugot

Naubos ko na kagabi sa trabaho lahat ng ATP ko na kayang mag-generate ng matinong English blog entry. Medyo Tagalog muna tayo ngayon, mga pare.

Sa totoo lang, hindi ko naman talaga alam kung anong gusto kong isulat para sa umagang to. As usual, ang dami na namang feelings.

Una sa lahat, pagod na ko. Literal.

Isang magandang konsolasyon sa sarili ang pagsasabi ng, "Ok lang yan. Hindi ka nag-iisa sa araw-araw na pagsisikap para makamit ang nais sa buhay." Oo, ayos na pampalubag-loob. Pero minsan, hindi rin maiiwasan na maisip mong ganito na lang ba palagi? Puro na lang ba hirap? Sabi nga ng character ni Jackie Chan sa The Forbidden Kingdom, it must taste bitter before sweet. Totoo nga naman pero for some reason, madalas matalo ng pait ang tamis at mas tumatambay ito sa dila. Sa tunay na buhay pa naman, laging talunan ang mga ampalaya kaya minsan, kahit suyang-suya ka na, push lang. Ganyan naman kasi talaga ang buhay.

Halos mag-aanim na buwan na ko sa trabaho. So far ayos naman. Kasundo ko naman ang mga katrabaho ko, hindi naman kupal ang boss ko, at enjoy naman ako sa trabaho. Matapos ang tatlong taon ng pagiging iresponsable at tamad, nahanap ko na rin ang calling ko. Sa totoo lang, dito ako sa trabaho kong to nakahanap ng bonggang fulfillment. Sa naiibang paraan, feeling ko doktor na rin ako. Ayos naman. Kailangan lang talaga ng matinding pasensya pagdating sa promotion. Ang bagal. Halos six months na pero hindi pa rin masaya ang nanay ko sa sweldo ko. Yun lang naman ang gusto ko pagdating sa professional life—ang mag-enjoy sa ginagawa at ang mapasaya ang nanay ko tuwing sahod. Ang lagay kasi nade-depress ako tuwing sweldo. Bisperas pa lang ng petsa de peligro, bonggang Nagasaki and Hiroshima na ang lagay ko sa pambobomba sa akin ng nanay ko pagdating sa mga bayarin. Nape-pressure man ako, hindi na lang ako kumikibo dahil pag nagkamali ako ng pasakalye, siguradong sasarguhin ako ng nanay ko. Ok lang. Bigay lang kahit wala naman talagang maibibigay. Kahit pamasahe lang ang pera ko hanggang sa susunod na sahod, ayos lang. Ayoko lang talaga ng makakarinig sa nanay ko.

Kung minsan, hindi ko maiwasang hingin sa Diyos na ibalik ang oras. Backtrack lang kahit after college para pagkalabas na pagkalabas ko ng kolehiyo, nagtrabaho agad ako ng trabahong gusto ko. Kung ganon sana, siguro may kotse na ko ngayon, may matitinong damit na sinusuot sa trabaho, at may sarili nang investment para sa future. Kaso hindi pwede eh. Hindi naman kasi pelikula ang buhay para magkaroon ng Morgan Freeman na pwede kang gawing Bruce Almighty.

Nakakapagod. Pero wala eh. Ganyan talaga.

Pangalawa, nape-pressure ako.

"Hindi ka ba nape-pressure, ate? Ma-pressure ka naman! Sayang ang oras!" Yan ang sinalaksak ng kapatid ko sa pagmumukha ko nung mga panahong wala akong trabaho at gabi-gabing nagpa-party kasama ang tropa. Two years out of college na yan pero nung mga panahon na yan, wala akong ipon, wala akong ginagawa, at wala akong maipagmamalaki. Chill ako nun, walang problema, at walang kupal na boss. Kung alam ko lang nun na sangkaterbang problema at isang kupal na boss pala ang kailangan ko para magkaroon ng laban sa buhay, sana iniwan ko na lang yung mga tropa kong kilala lang naman ako pag may pampalaklak ako sa kanila. Anong resulta? Eto, isang pulgada na lang ang layo sa breaking point. Tulad nga ng sabi ko, enjoy naman ako sa trabaho pero sa tuwing makikita ko sa Facebook feed ko yung mga naging kaklase ko nung high school na may mga sarili nang kotse, may mga sarili nang pamilya, at may mga rason na para harapin ang buhay ng head-on, nape-pressure ako. Kaya ang lagay, bawat OT sa trabaho pinapatos ko. Maski walang tulog, ubos na ang baong English pang-edit ng reports, at walang kain, sige lang. Sa pagnanais na maging somebody, nagiging office na ang bahay at nagiging bahay na ang office. Pag nagsimula akong magdala ng sarili kong toothbrush at tsinelas sa trabaho, senyales na yun ng pagka-crack ko sa pressure. Sa isang banda, gusto kong mag-chill. Hindi ko naman siguro ikamamatay kung lumipas ang maraming taon ng wala akong napala sa kakatrabaho. Baka nga mas ikamatay ko pa ang wagas na pagtatrabaho eh. Pero mature na tayo. Hindi na pwede yung chillax lang. Hindi na pwede yung asa lang. Ang totoo naman kasi niyan, ikaw at ikaw lang ang tangi mong kakampi. Lahat ng tao mawawala, pati yung mga taong naka-program sa pagkatao ang mahalin ka dahil halos pareho kayo ng pagkakatupi ng DNA sa katawan. Kung hindi mo makakasundo ang sarili mo sa gusto kong makamit sa buhay, bigti ka na lang.

Ayos naman sanang ma-pressure. Tulad ng nagagawa nito sa matter, nagagawa rin ng pressure na patatagin ang loob ng tao. Mas ayos lang sana kung may mga taong magma-Mighty Bond sa yo pag nag-crack ka na. Yung mga taong papalakpak pa rin at magchi-cheer kahit bumalentong ka na't lahat sa karera. Yung mga taong nandyan hindi dahil obligasyon nila pero dahil ayaw nilang mag-isa ka. Pero tulad nga ng sabi ko, ang reality ay every man for himself. Para lang akong humingi ng pet unicorn sa nanay ko sa eksena kong yun.

Hay, drama.

Pangatlo at pinakahuli sa lahat, malapit na kong sumuko.

Sabi nila, ang sikreto para maging masaya ka sa buhay ay ang hindi pagkakaroon ng pake. The less you care, the happier you will be. Isa pa tong taliwas sa nature natin eh. Ika nga ng teacher ko sa CLE nung 4th year high school, man is a relational being. Hardwired sa blueprint natin ang pagiging social. Yan na siguro ang explanation kung bakit may mga taong kung makapag-upload ng picture sa Instagram eh halos every two minutes at kung bakit may mga taong hindi mapakali pag hindi nakapag-tweet or nakapag-update ng status sa Facebook. Natural sa atin ang maghanap ng kasama, ng approval ng iba, at higit sa lahat, ng pagmamahal. Hindi naman siguro sa hindi ka tao pag wala kang pake sa pagkakaroon ng kasama, approval, o pagmamahal. Mas ok nga siguro yung ganon. Bawas alalahanin sa buhay at bawas kahihiyan.

"Trying is embarrassing," ika nga ni Caroline ng 2 Broke Girls. Totoo naman. Pero sabi ng marami, trying is the first step in the ladder of success. Ang totoo niyan, lahat naman tayo sumusubok araw-araw. Hindi na nga lang natin alam dahil sa araw-araw na natin itong ginagawa at kasama na ito sa routine natin. Ayos lang naman sana mag-try kahit ilang beses pero sana kahit one time lang, meron namang matuwa sa pagta-try mo. Nakakasuya rin kasi yung ikaw lang ang natutuwa sa sarili mong pagsubok. Kung minsan, kahit gaano mo pa kamahal ang sarili mo at paniwalang-paniwala ka sa kakayahan mo, iba pa rin yung encouragement galing sa ibang tao. Sa ganitong lagay, mas ok kung ikaw yung tipong walang kahit isang patak ng pake sa katawan. Yung lahat para lang sa yo at pag may mali, sisi lang rin sa yo. Yung hindi ka problemado sa opinyon ng ibang tao dahil nga wala ka naman talagang pake. Kung mapansin ka, good. Kung hindi, poker face lang. Ang hirap naman kasing maging ganon lalo na kung ikaw yung tipong goal-oriented, yung tipong ginagawa ang mga bagay-bagay for a reason. Kung minsan pa, yung mga rason kung bakit mo ginagawa ang isang bagay yung mga walang pake kung humihinga ka pa ba.

Pag ganyan, ang sarap lang sumuko.

Pero sa kagustuhan mo ngang hindi maging talunan, lunok na lang. Kaya pa. Kakayanin.

Tama na to.

Naiiyak na ko.

Comments

Popular Posts