Yung Unlimited Happiness

Tagalog to. Binuhos ko na lahat ng English abilities ko nung isang gabi sa essay ko para sa English class namin sa med trans at kaninang umaga sa homework ng kapatid ko at ng aking future sister-in-law. So yun. Mga bente-kwatro oras pa ulit bago ako maka-recover.

Naramdaman niyo na ba yung feeling ng takot pagkatapos makaramdam ng bonggang-bonggang saya? Yung feeling niyo biglang magkaka-tsunami, lilindol, kukulog at kikidlat pagkatapos niyong magdiwang dahil sa isang bagay na sobrang nakapagpasaya sa inyo? Sigurado akong sasang-ayon ang marami sa inyo sa akin pag sinabi kong kung minsan, nakakatakot maging sobrang saya dahil parang may matinding trahedyang kapalit.

Masaya ang childhood ko. Anak ba naman ako ng isang malaking negosyante eh. Lahat ng luho natikman ko nung bata ako kaya naman lumaki akong ganito (LITERAL! HAHA!). Tumagal ang sarap ng buhay sa loob ng labinlimang taon. Isang araw, nadedo erpats ko. Sinikap ng ermats kong ipagpatuloy ang nasimulang negosyo ni erpats pero dahil sa di magandang turn of events, nabaon kami sa utang. Kahit papano ok pa rin naman kami dahil nakatapos ako ng kolehiyo pero gapang kung gapang. Kung minsan, di namin maiwasang magtalo ni ermats. Masama kasi ang loob ko dahil hindi na ko makakapagpatuloy sa med school dahil sa kakulangan sa pera. Kahit labag sa loob ko, nagtrabaho ako. Simula nun, pawang kapaitan na lang lahat. Laging pera ang problema at lahat ng solusyon, parang band aid lang. Hindi pangmatagalan. Gusto kong ako na ang rumesolba sa lahat pero ibang klase ang komplikasyon ng mga nakaraang desisyon ni ermats para lang mapag-aral kami ng sabay-sabay. Sa madaling sabi, extreme na. Hindi lang kami baon. Libing na.

Tuwing titignan ko yung mga nangyari nitong mga nakaraang taon sa amin, masasabi kong ito na siguro yung trahedya pagkatapos ng 15 years of unlimited happiness. Kaya ngayon, kahit sa mga maliliit na bagay, ingat na ingat akong mag-feeling masaya dahil natatakot ako sa pighating kapalit.

Dapat nung nakaraang Linggo ko pa sinulat to pero dahil mas inuna kong pumunta sa binyag ng anak ng tropa ko, ngayon lang ako nagka-time. Haha! Sobrang na-inspire lang kasi ako sa talk nung pastor last Sunday sa isang worship service na pinuntahan namin ni Mommy kasama yung kapatid kong isa tsaka yung pinsan ko. Marami siyang na-discuss pero ito yung talagang nag-stick sa akin.

"Kung minsan, natatakot tayong maging masaya dahil feeling natin may kapalit. Hindi dapat. Hindi biblical yun eh," natatandaan ko pang sabi nung pastor. Tama nga naman siya at ayon to sa Jeremiah 29:11.

"I alone know the plans I have for you, plans to bring you prosperity and not disaster, plans to bring about the future you hope for."

Kung minsan, ginagawa lang daw tool ni God ang adversity o yung mga hindi magandang pangyayari sa buhay natin para ilagay tayo sa lugar na plano Niyang paglagyan sa atin. Yung lugar na kung tawagin ay Promised Land na lahat tayo meron. Dahil lang sa simpleng mga salitang yun, nawala na yung takot kong maging masaya. May mangyari mang hindi maganda pagkatapos, meron pa rin akong panghahawakan. His is the only Word that I will trust dahil alam kong tulad ng Rexona, He won't let me down.

Gusto ko lang sabihin na sobrang blessed ako nitong mga nakaraang araw. Finally nakapagsimula na akong mag-aral ng medical transcription at in no time, makakapag-work na ko ng hindi labag sa loob ko. Nakakilala rin ako ng mga bagong tao. Sobrang exciting dahil lahat bago at araw-araw, may bago akong natututunan. Kahit na nanggaling sa wasak na puso, masasabi kong ok na ko. Naiiyak ko na lahat. Mas ayos mag-focus sa mga bagay na nakakapagpasaya at naniniwala sa yo kaysa sa mga bagay na nandyan lang pag ok ang panahon. All the same, tuloy pa rin ang buhay. Bitiwan ang dapat bitiwan at kahit anong mangyari, dapat pasulong lang.

O siya! Tama na to! Ang cheesy ko na! Hahaha!

God bless sa lahat ng madlang pipol dyan! Steady lang, mga parekoy!

Comments