Kalayaan. Kasarinlan. Soberanya.
Kalayaan.
Sa dami pa lang ng lamok kagabi na halos ilipad na ako palabas ng kwarto ko, kalayaan na kalayaan na ang dating. Pinanood ko sila habang ipinagbubunyi ang kanilang kasarinlan sa pamamagitan ng pagpapak sa aking dugo. Panay ang galaw ko pero parang nakapag-develop lang ng superpower kung fu grip ang mga linsyak na lamok sa balat ko. Alas kwatro pa lang ng umaga kanina pero dilat na dilat na ako habang tahimik na isinusumpa sa isip ko ang kalayaan ng mga lamok na nakawin ang isa sa mga pinakamahahalagang parte ng katawan ko. Bukod sa mga pantal na parang starry, starry night lang ngayon sa mga braso't binti ko, malalaki at maiitim na bilog rin ang nagbabakasyon ngayon sa ilalim ng singkit kong mga mata.
Kasarinlan.
Mas may pakialam ako sa mundo at sa aking lupang tinubuan noong high school ako. May blog ako noon na panay ang panawagan sa isang malinis na pamahalaan at malusog na lipunan. Kung public figure siguro ako nung mga panahong yun, sandamukal na death threats na ang natanggap ko. Isa akong fifteen-year-old idealist. Gusto ko ng isang bansang walang nagugutom, walang naaargabyado, walang napagsasamantalahan at walang naghihirap. Isang bansang may sariling buhay at pangarap at mga mamamayan na nagkakaisa sa ilalim ng isang awit at watawat. Ngayong bente-dos anyos na ako, masasabi kong nami-miss ko rin yung batang ginustong baguhin ang imahe at sagisag ng bansang kilala sa tawag na Pearl of the Orient. Hindi naman sa wala na akong pakialam sa kabuuan. Naisip ko lang na ang pagbabago hindi nakukuha sa panawagan kundi sa gawa.
Soberanya.
Tadtad ang Facebook at Twitter ngayon ng Happy Independence Day campaigns. May iba pa ngang nag-abalang mag-edit ng pictures para i-share. Hindi naman ako psychic para makita ang intensyon sa likod ng magaganda at makahulugang mga larawan. Kung hindi lang siguro ako tinatamad ngayon na mag-Photoshop sa kabila ng pagiging Jurassic ng laptop ko, gagawa rin ako ng sarili kong Happy Independence Day banner at gagawin itong cover photo sa Facebook profile page ko. Pero bukod sa katotohanang mayroon tayong sariling teritoryo, watawat, pambansang awit, pamahalaan, mamamayan at soberanya, ano nga ba ang alam natin sa tinatawag nating Araw ng Kalayaan?
Kung estudyante ka, malamang sasabihin mong walang pasok. Kung empleyado ka naman, malamang sasabihin mong double pay. Kung isa ka namang abang mamamayang Pilipino na walang tirahan at tinatawid lamang ang araw-araw sa kaunting delehensya, malamang sasabihin mong isang panibagong araw na walang pagbabago at panay pagdurusa. May tamang sagot ba? Ewan ko. Siguro kung darating man yung araw na iisa lang ang sagot ng lahat ng Pilipino sa tanong na ano nga ba ang Araw ng Kalayaan, yun na ang correct answer. Check. Perfect score.
Sa araw na ito, isang bagay lamang ang nais kong iparating sa mga kapwa ko Pilipino.
Nagkaroon ng Araw ng Kalayaan sa ating kalendaryo hindi dahil naging first world country tayo o dahil nagkaroon tayo ng sariling bandila o dahil mayroon tayo ngayong pamahaalan na wala nang ginawa kundi parusahan ang mga nagkasala habang nagpupustahan kung sinong mananalo sa labanang Pacman at Bradley. Mayroon tayong Araw ng Kalayaan dahil sa buhay na ibinuwis ng mga di-kilalang taong nagpatiwakal para sa kasarinlan, yung mga taong sumuong sa dagat ng mga itak, busog at palaso para lang magkaroon tayo ng maaari nating matawag na sariling atin. Sila ang dahilan at sa kanila dapat ang pasasalamat at kapurihan.
Kaya kung sino ka man na nagbabasa nito, sana magkaroon ka ng oras sa araw na ito na pasalamatan ang mga taong yun. Kahit hindi mo sila kakilala. Kahit hindi mo sila ka-close. Kahit wala naman silang direktang epekto sa buhay mo.
Dahil kung ako ang nasa kalagayan nila, gugustuhin kong malaman na may saysay ang aking kamatayan, na may bahagi ako sa tinatawag nilang kasaysayan at higit sa lahat, may isang tao, kahit isa lang, na naniniwalang may maganda akong nagawa para sa bayan.
Maligayang Araw ng Kalayaan, Pilipinas! Mabuhay ka at ang iyong mga magigiting na mandirigma!
Comments
Post a Comment